Thursday, October 10, 2013

Final Eksam.



Ang Batas, Estado, at ang Sambayanan

Isang semestre na ang lumipas nang ako ay mag-aral ng Ligal at Pampolitikang Antropolohiya o Anth 141 sa ilalim ng pagtuturo ni Propesor Myfel Joseph Paluga, bilang isang Antropologo sa UP Mindanao.
Nang dahil sa mga fieldwork, babasahing mga libro, at mga diskusyon ay unti unting nabibigyang liwanag ang mga bagay bagay sa aking kaisipann. Ngunit imbes na magbigay ito ng malinas na konsepto at pag-iisip ay mas lalong nagiging kumplekado ang lahat.
Hindi lamang napapaloob ang aming natututunan sa mga babasahin nina Schlegel, Bruno Latour, at Bronislaw Malinowski. Mas naisabuhay namin ang karanasan ng isang antropologo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng etnograpiya, pag-aaral sa kalsada, pag-aaral sa mga mas maliliit na grupo o tribo at pagtitipon ng mga datos mula sa iba’t ibang mga informant. Nagagamit namin ang mga paraan o metodolohiya ng mga pilosopong ito at mga awtor na ipinakilala ng aming propesor.
Iilan lamang sa mga ito sina Karl Marx, Bertraut Russell, Albert Camus, Jean Paul Sautre,  at ang pinaka matunog na si Slavoj Zizek, ang kanyang mukambibig, ang kanyang paborito.
Ilang buwan lamang ang nagdaan, ngunit napakalawak ng kaalamang naipundar nito sa aking kaisipan.  Lingid ito sa katotohanang, minsan lamang kung kami ay magkaroon ng klase sa aming propesor. Napakarami nyang pinupuntahang ibang bayan, o di kaya’y sa 11:30-1:00 na aming klase ay sa eksaktong alas dose siya dumarating.
Patunay lamang ito na sa kakaunting panahong kami ay nagkaroon ng mga diskusyon ay kay dami dami ng aming natutunan. Makaka “AHA” ka talaga sa mga bagay na hindi mo akalaing may puwang pala sa daigdig na ito. O ‘di kaya’y mapapansin mo ang mga bagay na hindi mo makita at madama noon. Isang halimbawa na rito ang batas at estado.
Oo nga’t nadarama mo ang batas at papel ng estado ngunit hindi mo ito mapapansin sapagkat invicible itong nagpapagalaw sa ating mga tao at mga Pilipino.
Ika nga, sa politikal na sistema na mayroon tayo ngayon, ang batas at estado ay dalawang bagay na magkakaugnay at hinding hindi maipaghihiwalay. Nagkakaroon ng buhay ang estado nang dahil sa presenya ng batas. Gayundin ang relasyon nito sa tao. Nagkakaroon ng batas at estado nang dahil sa tao. Ngunit, ano nga ba ang papel ng batas at estado sa lipunan?
Unang pangunahing katungkulan ng batas at estado ay ang paglalapat ng aspirasyon o hangarin ng mga tao sa isang lipunan. Dagdag pa rito ay ang pagkilala sa karapatang pantao at ang kalagayan kung saan ang mga karapatang ito ay masu-sustina at mapapanitili.
Ano nga ba ang estado? Ipinaliwanag ni Engels na “ang konsepto ng pampublikong kapangyarihang ito na tinawag na estado, isang kapangyarihang lumitaw mula sa lipunan pero naglagay ng sarili sa ibabaw nito at nahihiwalay nang nahihiwalay dito.”
Ano nga ba ang paghihiwalay na sinasabi ni Engels? Panigurado, ang paghihiwalay ng estado ay mayroong panibagong epekto o isang panibagong sistema. Isang halimbawa nito mga Tiruray, sila ay isang tribong mayroong sariling batas ngunit nakukonsiderang nasa parehong estado pa rin.
Ayon sa likha ni Schlegel, mayroon silang customary laws na sinusunod. Ibang iba ang kanilang paraan sa pagreresolba ng kanilang mga conflict sa loob ng tribo. Mayroon silang sariling batas na naiiba sa batas na sinusunod ng mayoryang mga Pilipino o ng mga Pilipinong hindi nabibilang sa iilang mga indigenous peoples’ community na kinikilala rin naman ng estado ng Pilipinas.
Sa kabilang banda, ano nga ba ang batas? Ang gobyerno at ang mga batas na napapaloob dito ay nariyan upang magbigay ng moral na katungkulan sa tao at lipunan. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay direkta nitong gagawing mabuti at hindi makasalanan ang mga tao. Kumbaga, isa itong Panginoon na hindi man nakikita ng tao ngunit “alam” nilang nariyan pa rin at hindi maikakailang pinaniniwalaan rin ng nakararami.
Minsan nang sinabii ni Emilio Jacinto na ang batas ay nararapat na sundin sapagkat ito ay isang bunga ng paniniwala at desisyon ng mayorya at hindi ng iilang indibidwal lamang na may hawak sa pang administratibong kapangyarihan. Ngunit, ang tanong, may katotohanan nga ba ito? Hindi ba’t kinokontra nito ang katotohanan sa kasalukuyan?
Oo nga at ang batas ay ginawa ng mga tao, ng nakararami, o ng mayorya. Ngunit sino itong mga nabibilang sa mayoryang desisyong ito?
Oo nga’t kahit sino ay malayang makalahok sa politika dito sa Pilipinas at malayang tumakbo bilang isang mambabatas upang makapaglingkod sa sambayanan. Ngunit ang katotohanan ay sumisigaw sa sambayanan na ang sistemang pampolitika sa Pilipinas ay para lamang sa mga makapangyarihan at may pera. Karapatan ito na iilan lamang ang makakatamasa. Kung wala kang salapi, ay wala ka ring kinabukasan sa pamamuno at para makilahok sa eleksyon.
Sa makatuwid, ang mayoryang desisyon na ito ay binuo lamang ng iilang mga mambabatas ng bansa na gumagawa lamang ng batas para sa kanilang pansariling interes at hindi para sa kapakanan ng nakararami. Sa madaling sabi, ang mga batas ay ginagamit lamang nila upang protektahan at palagoin ang kanilang mga kanya kanyang uri o porma ng negosyo. Ginagawa nilang kapital ang pagiging isang mambabatas o mas kilala sa tawag na burukrata kapitalismo. Ang gobyerno at ang taumbayan mismo ang kanilang negosyo. Kung kaya’t nawawalan na ng saysay ang tunay na esensya ng batas at estando na sana ay para sa sambayanan.
Sa isang banda, ayon kay Marx, ang estado ay organo ng makauring paghahari, isang organo para apihin ng isang uri ang isa pang uri; ang layon nito ay likhain ang “kaayusan” na nagliligalisa at nagpapanatili sa pang-aaping ito sa pamamagitan ng pagpapagaan sa banggaan ng mga uri.
Kung gayon, ay tumpak nga ang mga sinasabi ni Marx. Ang estado sa kasalukuyan ay binubuo ng iba’t ibang uri. Ang bawat uring ito ay pinapalooban ng uring inaapi at uri ng mga mang-aapi, may naghaharing uri at mayroon ding mas nakararaming naghihirap na uri. Ngunit sa isang takdang yugto ng pag-unlad ng ekonomIya, na di maiiwasang nakatali sa pagkakahati-hati ng lipunan sa mga uri, kinailangan ang estado dahil sa pagkakahati-hating ito.
Kung ikukumpara sa proseso ng unti unting pagbabago ng porma ng isang bato, na unti unti ring mabubuwag at magiging bahagi ng lupa (withering), ang pagbabago ng sistema ay katulad rin nito. Hindi kailang ipagpilitan ang mga tao sa pagababago ng sistema. Ang natural na kaganapan at pangyayari na mismo ang magbabago sa kanilang kaisipan upang baguhin ang sistema at ang uri ng kasalukuyang nagpapatakbong batas at estado.
Unti unti tayong napapalapit sa yugto ng pag-unlad ng produksyon na kung saan hindi lamang mawawala ang pangangailangang umiral ang mga uri kundi magiging positibong hadlang pa ito sa produksyon. Tiyak na maglalaho ang mga uring ito tulad ng di maiiwasang paglitaw nito sa mas nauna pang yugto. Kasabay ng mga ito, tiyak ring maglalaho ang estado.
Bilang isang estudyante, antropologo-in-the-making, mag-aaral sa kalsada, manunulat at mananaliksik sa field, kay rami rami ng yumabong na mga kaisipan patungkol sa batas, estado, at lipunan.
Sa aking naintindihan mula kay Engels, hindi umiiral nang panghabambuhay ang estado. May mga lipunang namumuhay na hindi nila batid kung ano ang estado, walang ideya tungkol sa estado at kung ano ang kapangyarihang pang-estado.
Ayon pa sa kanya, “Ang lipunan na mag-oorganisa muli ng produksyon batay sa malaya at pantay-pantay na pagsasamahan ng mga prodyuser ang maglalagay ng buong makinarya ng estado sa dapat nitong kalagyan sa panahong iyon: sa museo ng mga antigo, katabi ng suliran (spinning wheel) at tansong palakol.”
Nang dahil sa batas at estado, nagkakaroon tayo ng isang manual  na nagpapaalala at nagpapamukha na mayroong isang lipunang may iba’t ibang klase ng uri.
Nang dahil sa manual na ito, ay ilang ulit na akong sinasampal sa katotohanang may isang lipunang hindi pantay pantay ang kalagayan ng mamamayan. Nang dahil sa manual na ito ay pilit na sinasabi ng ilang ulit na may batas na kakampi lamang sa maswerte at maperang tao. Nang dahil sa manual na ito, aking nawari na hangga’t may pagkakaiba iba ang uri ng sambayanan, ay hindi maglalaho ang opresyon, eksploytasyon, at pananamantala.
Kay rami pa ng aking pananaw matapos ang pag-aaral ng Legal at Politikal na Antropolohiya. Hindi ko man ito maisa-isa, ngunit bumuo ito ng isang paniniwala hindi lamang bilang isang mag-aaral na antropologo, ngunit bilang isang tao.
Hangga’t may isang makauring lipunan at estado, hangga’t ito ay nagsisilbi bilang produkto ng ‘di mapagkakasundong mga antagonismo ng mga uri, hanggang ang estado ay nagsisilbi bilang instrumento para sa pagsasamantala sa aping uri, kinakailangan ng buwagin ang estado.
Hangga’t ganito pa rin ang uri ng sistema sa ating bansa, walang saysay kung magbago man ang mukha ng pangulo. Mananatiling walang kwenta ang sistemang pang gobyerno sa bansang ito.
Nang dahil sa Legal and Political Anthropology hindi lamang natali ang aking pag-aaral sa loob ng klasrum, bagkus ay mas pinalawak pa ito nang dahil sa mga teorya at pangkaisipang hindi lamang nag-aaral sa mga pangkaraniwang topiko, kundi pati na rin sa pangkultura at panlipunang pag-aaral.





No comments:

Post a Comment