Thursday, October 10, 2013

Final Eksam.



Ang Batas, Estado, at ang Sambayanan

Isang semestre na ang lumipas nang ako ay mag-aral ng Ligal at Pampolitikang Antropolohiya o Anth 141 sa ilalim ng pagtuturo ni Propesor Myfel Joseph Paluga, bilang isang Antropologo sa UP Mindanao.
Nang dahil sa mga fieldwork, babasahing mga libro, at mga diskusyon ay unti unting nabibigyang liwanag ang mga bagay bagay sa aking kaisipann. Ngunit imbes na magbigay ito ng malinas na konsepto at pag-iisip ay mas lalong nagiging kumplekado ang lahat.
Hindi lamang napapaloob ang aming natututunan sa mga babasahin nina Schlegel, Bruno Latour, at Bronislaw Malinowski. Mas naisabuhay namin ang karanasan ng isang antropologo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng etnograpiya, pag-aaral sa kalsada, pag-aaral sa mga mas maliliit na grupo o tribo at pagtitipon ng mga datos mula sa iba’t ibang mga informant. Nagagamit namin ang mga paraan o metodolohiya ng mga pilosopong ito at mga awtor na ipinakilala ng aming propesor.
Iilan lamang sa mga ito sina Karl Marx, Bertraut Russell, Albert Camus, Jean Paul Sautre,  at ang pinaka matunog na si Slavoj Zizek, ang kanyang mukambibig, ang kanyang paborito.
Ilang buwan lamang ang nagdaan, ngunit napakalawak ng kaalamang naipundar nito sa aking kaisipan.  Lingid ito sa katotohanang, minsan lamang kung kami ay magkaroon ng klase sa aming propesor. Napakarami nyang pinupuntahang ibang bayan, o di kaya’y sa 11:30-1:00 na aming klase ay sa eksaktong alas dose siya dumarating.
Patunay lamang ito na sa kakaunting panahong kami ay nagkaroon ng mga diskusyon ay kay dami dami ng aming natutunan. Makaka “AHA” ka talaga sa mga bagay na hindi mo akalaing may puwang pala sa daigdig na ito. O ‘di kaya’y mapapansin mo ang mga bagay na hindi mo makita at madama noon. Isang halimbawa na rito ang batas at estado.
Oo nga’t nadarama mo ang batas at papel ng estado ngunit hindi mo ito mapapansin sapagkat invicible itong nagpapagalaw sa ating mga tao at mga Pilipino.
Ika nga, sa politikal na sistema na mayroon tayo ngayon, ang batas at estado ay dalawang bagay na magkakaugnay at hinding hindi maipaghihiwalay. Nagkakaroon ng buhay ang estado nang dahil sa presenya ng batas. Gayundin ang relasyon nito sa tao. Nagkakaroon ng batas at estado nang dahil sa tao. Ngunit, ano nga ba ang papel ng batas at estado sa lipunan?
Unang pangunahing katungkulan ng batas at estado ay ang paglalapat ng aspirasyon o hangarin ng mga tao sa isang lipunan. Dagdag pa rito ay ang pagkilala sa karapatang pantao at ang kalagayan kung saan ang mga karapatang ito ay masu-sustina at mapapanitili.
Ano nga ba ang estado? Ipinaliwanag ni Engels na “ang konsepto ng pampublikong kapangyarihang ito na tinawag na estado, isang kapangyarihang lumitaw mula sa lipunan pero naglagay ng sarili sa ibabaw nito at nahihiwalay nang nahihiwalay dito.”
Ano nga ba ang paghihiwalay na sinasabi ni Engels? Panigurado, ang paghihiwalay ng estado ay mayroong panibagong epekto o isang panibagong sistema. Isang halimbawa nito mga Tiruray, sila ay isang tribong mayroong sariling batas ngunit nakukonsiderang nasa parehong estado pa rin.
Ayon sa likha ni Schlegel, mayroon silang customary laws na sinusunod. Ibang iba ang kanilang paraan sa pagreresolba ng kanilang mga conflict sa loob ng tribo. Mayroon silang sariling batas na naiiba sa batas na sinusunod ng mayoryang mga Pilipino o ng mga Pilipinong hindi nabibilang sa iilang mga indigenous peoples’ community na kinikilala rin naman ng estado ng Pilipinas.
Sa kabilang banda, ano nga ba ang batas? Ang gobyerno at ang mga batas na napapaloob dito ay nariyan upang magbigay ng moral na katungkulan sa tao at lipunan. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay direkta nitong gagawing mabuti at hindi makasalanan ang mga tao. Kumbaga, isa itong Panginoon na hindi man nakikita ng tao ngunit “alam” nilang nariyan pa rin at hindi maikakailang pinaniniwalaan rin ng nakararami.
Minsan nang sinabii ni Emilio Jacinto na ang batas ay nararapat na sundin sapagkat ito ay isang bunga ng paniniwala at desisyon ng mayorya at hindi ng iilang indibidwal lamang na may hawak sa pang administratibong kapangyarihan. Ngunit, ang tanong, may katotohanan nga ba ito? Hindi ba’t kinokontra nito ang katotohanan sa kasalukuyan?
Oo nga at ang batas ay ginawa ng mga tao, ng nakararami, o ng mayorya. Ngunit sino itong mga nabibilang sa mayoryang desisyong ito?
Oo nga’t kahit sino ay malayang makalahok sa politika dito sa Pilipinas at malayang tumakbo bilang isang mambabatas upang makapaglingkod sa sambayanan. Ngunit ang katotohanan ay sumisigaw sa sambayanan na ang sistemang pampolitika sa Pilipinas ay para lamang sa mga makapangyarihan at may pera. Karapatan ito na iilan lamang ang makakatamasa. Kung wala kang salapi, ay wala ka ring kinabukasan sa pamamuno at para makilahok sa eleksyon.
Sa makatuwid, ang mayoryang desisyon na ito ay binuo lamang ng iilang mga mambabatas ng bansa na gumagawa lamang ng batas para sa kanilang pansariling interes at hindi para sa kapakanan ng nakararami. Sa madaling sabi, ang mga batas ay ginagamit lamang nila upang protektahan at palagoin ang kanilang mga kanya kanyang uri o porma ng negosyo. Ginagawa nilang kapital ang pagiging isang mambabatas o mas kilala sa tawag na burukrata kapitalismo. Ang gobyerno at ang taumbayan mismo ang kanilang negosyo. Kung kaya’t nawawalan na ng saysay ang tunay na esensya ng batas at estando na sana ay para sa sambayanan.
Sa isang banda, ayon kay Marx, ang estado ay organo ng makauring paghahari, isang organo para apihin ng isang uri ang isa pang uri; ang layon nito ay likhain ang “kaayusan” na nagliligalisa at nagpapanatili sa pang-aaping ito sa pamamagitan ng pagpapagaan sa banggaan ng mga uri.
Kung gayon, ay tumpak nga ang mga sinasabi ni Marx. Ang estado sa kasalukuyan ay binubuo ng iba’t ibang uri. Ang bawat uring ito ay pinapalooban ng uring inaapi at uri ng mga mang-aapi, may naghaharing uri at mayroon ding mas nakararaming naghihirap na uri. Ngunit sa isang takdang yugto ng pag-unlad ng ekonomIya, na di maiiwasang nakatali sa pagkakahati-hati ng lipunan sa mga uri, kinailangan ang estado dahil sa pagkakahati-hating ito.
Kung ikukumpara sa proseso ng unti unting pagbabago ng porma ng isang bato, na unti unti ring mabubuwag at magiging bahagi ng lupa (withering), ang pagbabago ng sistema ay katulad rin nito. Hindi kailang ipagpilitan ang mga tao sa pagababago ng sistema. Ang natural na kaganapan at pangyayari na mismo ang magbabago sa kanilang kaisipan upang baguhin ang sistema at ang uri ng kasalukuyang nagpapatakbong batas at estado.
Unti unti tayong napapalapit sa yugto ng pag-unlad ng produksyon na kung saan hindi lamang mawawala ang pangangailangang umiral ang mga uri kundi magiging positibong hadlang pa ito sa produksyon. Tiyak na maglalaho ang mga uring ito tulad ng di maiiwasang paglitaw nito sa mas nauna pang yugto. Kasabay ng mga ito, tiyak ring maglalaho ang estado.
Bilang isang estudyante, antropologo-in-the-making, mag-aaral sa kalsada, manunulat at mananaliksik sa field, kay rami rami ng yumabong na mga kaisipan patungkol sa batas, estado, at lipunan.
Sa aking naintindihan mula kay Engels, hindi umiiral nang panghabambuhay ang estado. May mga lipunang namumuhay na hindi nila batid kung ano ang estado, walang ideya tungkol sa estado at kung ano ang kapangyarihang pang-estado.
Ayon pa sa kanya, “Ang lipunan na mag-oorganisa muli ng produksyon batay sa malaya at pantay-pantay na pagsasamahan ng mga prodyuser ang maglalagay ng buong makinarya ng estado sa dapat nitong kalagyan sa panahong iyon: sa museo ng mga antigo, katabi ng suliran (spinning wheel) at tansong palakol.”
Nang dahil sa batas at estado, nagkakaroon tayo ng isang manual  na nagpapaalala at nagpapamukha na mayroong isang lipunang may iba’t ibang klase ng uri.
Nang dahil sa manual na ito, ay ilang ulit na akong sinasampal sa katotohanang may isang lipunang hindi pantay pantay ang kalagayan ng mamamayan. Nang dahil sa manual na ito ay pilit na sinasabi ng ilang ulit na may batas na kakampi lamang sa maswerte at maperang tao. Nang dahil sa manual na ito, aking nawari na hangga’t may pagkakaiba iba ang uri ng sambayanan, ay hindi maglalaho ang opresyon, eksploytasyon, at pananamantala.
Kay rami pa ng aking pananaw matapos ang pag-aaral ng Legal at Politikal na Antropolohiya. Hindi ko man ito maisa-isa, ngunit bumuo ito ng isang paniniwala hindi lamang bilang isang mag-aaral na antropologo, ngunit bilang isang tao.
Hangga’t may isang makauring lipunan at estado, hangga’t ito ay nagsisilbi bilang produkto ng ‘di mapagkakasundong mga antagonismo ng mga uri, hanggang ang estado ay nagsisilbi bilang instrumento para sa pagsasamantala sa aping uri, kinakailangan ng buwagin ang estado.
Hangga’t ganito pa rin ang uri ng sistema sa ating bansa, walang saysay kung magbago man ang mukha ng pangulo. Mananatiling walang kwenta ang sistemang pang gobyerno sa bansang ito.
Nang dahil sa Legal and Political Anthropology hindi lamang natali ang aking pag-aaral sa loob ng klasrum, bagkus ay mas pinalawak pa ito nang dahil sa mga teorya at pangkaisipang hindi lamang nag-aaral sa mga pangkaraniwang topiko, kundi pati na rin sa pangkultura at panlipunang pag-aaral.





A STUDY ON HOW THE MATIGSALUG TRIBE RESOLVES THEIR CONFLICT


 A Case Study on the Taban Paawahuy Conflict

Ang problema ay isang hindi-maiiwasang pangyayari sa buhay ng tao. Kung isasa-teorya, katulad ito ng hindi mapigilang pagbuhos ng ulan. Ngunit katulad rin ng ulan, nang dahil sa likha ng tao, ay may paraan na upang mapigilan ito. Rain stopper ika nga, tila isang napakalaking ilaw ng flash light na nakatutok sa himpapawid at unti unting tinutulak ang ulap papalayo. Ito ay ang ginagamit sa tuwing magkakaroon ng isang pangmalakihang pagtitipon tipon ng mga tao sa isang open field. Halimbawa nito ay sa isang konsyerto.  Upang mapigilan ang ulan, ay nariyan ang rain stopper.

Paano ito maihahalintulad sa buhay ng tao?

Sa bawat problemang dumarating sa buhay ay kaakibat nito ang positibo at mga negatibong epekto nito. Negatibo, sa paraang hindi mo mawari kung ano ang nararapat na solusyon sa problemang iyon. Kailangang pag-isipan ng mabuti ang bawat bagay na gagawin sa pag resolba nito. Ngunit sa sobrang pag-iisip ay dalawa rin lamang ang maaaring patutunguhan nito. Ito ay maaring nakapagpapagaan o di kaya’y nakapagpapalala sa problema. Maiisip natin ang solusyon matapos ang ilang libong ulit na pag-iisip sa problema habang iniisip din na huwag na lamang itong isipin. Nakakaisip tayo ng hindi mabuting mga bagay bagay gaya ng pagkawala ng pag-asang maaayos pa ito.
Positibo ito, sapagkat sa problemang iyan tayo natututo kung ano ang gagamiting metodolohiya o paraan sa pagsasaayos ng problemang dumarating.
Kung ihahantulad ang ulan sa problema ng tao, simple lamang ang pagkakatulad nito. Gaya ng ulan, pilit nating itinutulak papalayo ang mga ulap. Sa paglayo ng mga ulap na ito, ay nagpapakahulugang rin sa pagtulak papalayo sa ulan.  Alam nating parating na iyan, pero pilit nating iniiwasan. Kung dumating man ang pagpatak ng bawat buhos ng ulan, ay paano natin ito tatanggapin? Sa buhay ng tao, paano natin reresolbahin ang mga problemang ating kakaharapin?
ANG DALAWANG KWENTO NG ISANG ALE
Kasama ang aking mga kapwa mag-aaral sa UP Mindanao, ay pumunta kami sa Marilog upang pag-aralan ang mga Matigsalug, o kilala bilang “tagabantay o nakatira malapit sa  Salug o mas kilala bilang Davao River.” Sa isang pag-aaral na aming isinagawa sa Sitio Guilon, Marilog District, ay natunghayan ko ang iba’t ibang problemang dumarating sa buhay ng mga taong kabilang sa tribong Matigsalug. Ito ay mga problemang hindi naiiba sa mga problemang ating kinakaharap dito sa kalungsuran. Ngunit sa pagkakaiba iba ng kalagayan sa kanayunan at kalungsuran, ito ay nagbibigay ng isang mas komplikadong problema na nagpapahiwatig ng di pagkakatulad sa dalawang nasabing kapaligiran.
Isa sa pinaka malaking pagpapakatotohanan nito ay ang kanilang problema sa daan o kalsada. Problema lamang sa daan ngunit tinatamaan nito ang iilan pang mga bagay sa kanilang lipunan na nagsasalamin sa kabuuang uri ng lipunan meron ang Pilipinas. Ito ay nakakaapekto sa mga Matigsalug at nagdudulot ng malalang antas ng kahirapan, at kakulangan ng mga pangunahing serisyong panlipunan lalong lalo na sa kanilang kalagayang pangkalusugan at edukasyon. Hindi malayo ang sitwasyong ito sa nararanasan ng nakararami sa ating bansa.
Kinakailangan pang lakarin ng mga batang nasa elementarya at hayskul ang ilang kilometrong lubak lubak na daan upang makapag-aral. Marami na rin ang namamatay sa kanilang tribo nang hindi man lang nakakakita pa kahit minsan ng doktor. Ang kanilang ani ay hindi maibenta ng maayos sapagkat pagdating sa kapatagan ay unti unti nang nabubulok ang mga gulay at produktong kanilang ipinapadala sa mga habal habal driver.  Dulot ito ng napaka adventurous na daan, di mawari kung saan liliko sa di maintindihang kalsada. Kaya ang mga gulay ng mga naghihirap na magsasaka, hayon, mas bugbog pa kung ikumpara sa isang battered na asawa. Nabebenta man ang mga gulay at produktong ito ngunit nasa napakababang presyo na.
Kung problema lamang ng isang taga tribong Matigsalug ang aking hinahanap, marahil ay sapat na ang mga problemang ito upang i-suffice ang aking pag-aaral tungkol sa mga problemang kinaharap ng kanilang tribu.


Lupa: Ang hindi tapos na kwento

May isang babaeng may dala dalang anak, ang lumapit sa aming grupo ng mga kabataang nagsasagawa ng pag-aaral sa mga Matigsalug. Hindi ko mawari kung bakit sya lumapit. Ngunit narinig ko sa isa kong kasamahan na gusto nya rawng magpa-interview. Dahil wala rin namang may gustong makipagpanayam sa kanya, ay ako na lamang ang lumapit at nakinig sa kanyang mga kwento.
Una nyang nabaggit na conflict sa kanilang lugar ay ang isyu tungkol sa lupang inaangkin ng isang nagngangalang Benito Paundag. Si Benito ay hindi taga roon sa kanilang lugar at may ibang wikang ginagamit o ika nga ‘lahi ug inisturya’). Ngunit sinasabi niya (Benito) na sa kanyang mga ninuno (kaapohan) ang isang malawak na lupain doon. Ang malawak na lupaing ito na matatagpuan sa Sitio Guilon ay sinasabi nilang “komunal” at walang nag mamay-ari kung hindi ang lahat ng mga taga komunidad.
Nagsimula ang conflict nang idonate ni Benito ang komunal na lupain na iyon sa Community Based Forest Management in the Philippines (CBFM), isang Non-Government Organization (NGO) na nagsasagawa ng mga proyektong para sa kalikasan. Kaya pumapalag ang mga taga Sitio Guilon nang kanyang ibinigay ang lupang hindi naman kay Benito.

Iba iba ang kanilang perspektibo. Sa pananaw ni Benito, ay sa kanya ang lupain sapagkat sinasabing sa mga ninuno niya ang lupaing iyon. Sa pananaw naman ng mga taga Sitio Guilon, noon pa man ay wala nang nagmamay-ari sa lupaing iyon sapagkat ito ay nasa isang masukal na lokasyon at tila 85 na ang islope ng lupang iyon.
Nagkaroon ng isang pag-uusap (paghusay) ang mga Datu sa Sitio. Ngunit nahihirapan silang isaayos ang lahat sa loob lamang ng kanilang customary laws sapagkat pumasok na sa sitwasyon ang batas ng estado. Ang sabi pa ng aking nakapanayam ay hindi maisasaayos ng agad agaran ang conflict sapagkat nagkaroon na raw ng “kaso kaso.”
Isa sanang magandang kaso ang problemang ito. Ngunit hindi makapagbigay ng kumpletong detalye ang mga taga rito. Pero kung mabibigyan pa ng panahon, ay gusto kong subaybayan kung ano man ang nangyari sa pangyayaring ito.


Bawal nang banggitin: Ang pangalawang kwento

Sumunod na ikinwento ng Ale ay ang istoryang medyo nagdadalawang isip pa siya sa pagkukwento nito sa akin. Medyo sensitibo raw at hindi na sana maaaring pag-usapan pa. Sa katunayan nga ay hindi nya kayang sabihin ang mga pangalang nasa kwento. Kung kaya ay isinulat na lamang nya sa aking papel na hawak ang kanilang mga pangalan. Robeno at Helen.
Parehong may asawa sina Robeno at Helen. Ngunit nagkaroon sila ng sekswal na inter-aksyon (libug) sa isa’t isa kahit na sila ay kasado na sa kani-kanilang asawa at may kanya kanya na ring anak. Ngunit hindi sila nagsama matapos ang nangyari (Taban Paawahuy).
Papatayin na sana silang dalawa.  Ngunit nagkaroon ng paghuhusay ang mga Datu sa takot ng mga taong magkakaroon ng gantihan (babalos) at baka ilan pang dugo ang dumanak. Napag-usapang magbibigay ng Sablag (bayad) ang dalawa sa pamilya (Anggam) ng lalaking asawa ni Helen at sa pamilya (Karuman) ng babaeng asawa ni Robeno. Ang sablag na hinihingi ay ang sablag na kayang maibigay ng mga pamilya nina Helen at Robeno.
Lingid sa kaalaman ng mga Matigsalug ang paraan sa paggamit ng kalendaryo, ibang sistema ang kanilang ginagamit sa bawat araw na lumilipas. Sa loob ng pitong beses na pag lubog ng araw ang palugit ng pagsa-Sablag. Dahil wala silang kalendaryo, gumagamit lamang sila ng tila isang maliit na kawayan (uway) at pinoporma ito ng pitong beses na pabilog at pinuputol ang isa sa bawat paglipas ng araw.
Kabilang sa nabigyan ng sablag sa pamilya ni Roben (Anggam) ay ang kanyang mga magulang (Anuhang), mga pinsan (ipag kung lalake, andoy kung babae), mga pamangkin (anakun), at tiyuhin (anggam). Ang nabigyan naman ng sablag sa pamilya ni Helen (Karuman) ay ang kanyang mga magulang (anutag), mga pinsan (ipag kung lalake, andoy kung babae), mga pamangkin (anakun), at tiyuhin (inayon).
Ang sablag ni Helen ay ‘di hamak na mas magaan raw sa sablag ni Roben sapagkat may paniniwala silang ang lalake ang parating nangunguna kung may sekswal man na inter-aksyon (libug) na nagaganap. Kung kaya’t mas kakaunti ang sablag na ibinigay ng babae. Nagsablag si Helen ng dalawang kabayo (kuda) sa pamilya (Anggam) ni Robeno. Samantalang si Robeno naman ay nagsablag ng tatlong kabayo (kuda) at dalawang ektarya ng lupain sa pamilya (Karuman) ni Helen.
Naibigay ang sablag ng dalawa sa loob ng ibinigay na palugit. Matapos ang pagsa-sablag, ay mayroong kasunduang hindi na muling ibabalik pa ang usap usapan tungkol dito sapagkat naresolba na ang kaso. Ang tawag rito ay ang palangkoban. Kung sino man ang magsisimula sa usap usapan ay mag sa-Sablag sa mga taong naisali sa usap usapan.


Hustisya sa tamang panahon.

Isang kaso lamang ang aking naisulat sa pag-aaral na ito. Ngunit kung titingnan sa conflict na naganap sa isang kaso na ito sa tribung Matigsalug, ay hindi mailalayo sa iba pang kasong nagaganap rito. Dito makikitang ang mga taong nagkakasala ay hindi nag-iisa sa pagbabayad ng kanilang mga kasalanan o pagkakamali. Laging kasama ang pamilya sa pagbibigay ng bayad o pag-sasablag. Ang mali ng isa ay pagbabayaran ng buong pamilya.

Kung sa isang panibago at kabaliktarang pananaw, tila ay hindi naman tama ang sistemang ganito. Wala kang kasalanan ngunit pagbabayaran mo pa rin ang kasalanan ng iba.
Ngunit sa kultura ng Matigsalug, ito ang nagsisilbing linya na pumipigil sa kanila upang gumawa ng mali. Sapagkat alam nila na ang kanilang maling magagawa o ginawa ay hindi nila mag-isang pagbabayaran, pati ang kanilang mga kamag-anak ay sisingilin para sa maling kanilang gagawin o para sa kanilang maling nagawa.
Sa lipunan ng Matigsalug, ang sistemang ito ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang kanilang kultura. Nakikita rito ang pagrespeto nila sa kanilang customary laws o batas. May karampatang sablag sa bawat pagkakamali. At kung sino man ang biktima ng kung anumang pagkakamali ay obligadong magpatawad sa nagkamali kahit man labag sa kalooban kapag nabigyan na ng sablag.
Isa itong patunay sa organisadong pamamalakad ng tribong Matigsalug sa pagreresolba ng mga conflict sa kanilang maliit na komunidad. Ito ang kanilang pamamaraan sa pag-abot ng kapayaan sa kanilang lipunan. Hindi pinapatagal ang pagkamit ng hustisya, hindi pinapatagal ang problema, bagkus binibigyang solusyon agad.
Sa isang pagtingin, ay ito ay kabaliktaran sa justice system ng estado. Oo raw at may due process ngunit napakatagal makamit ang hustisya kahit tanaw na tanaw naman kung sino ang nagkamali. Kung sino ang may pera, sya ang mas may malaking laban. Samantalang sa Matigsalug, may pera ka man o wala, kung ikaw ay nagkamali ay may kalakip kang pagbabayaran sa kahit ano mang parallel na porma ng pagbibigay-hustisya --- Sablag man o kamatayan.

Kung ikukumpara ang sistema ng hustisya ng Matigsalug at ng estado, agad agad na makikita ang isang dalawang magkakaibang nagkokontradiktang mukha. Ang isa ay simple ngunit may lunas, samantalang ang isa ay napaka kumplikado, maaabutan mo munang magpalit palit ang mukha ng presidente bago pa man makamit ang hustisya

Taking a pose with the Matigsalug kids during our second day.